fbpx

CONSTRUCTION WORKER, ARESTADO MATAPOS SAKSAKIN ANG MGA KATRABAHO SA CUENCA, BATANGAS

Inaresto ng pulisya ang isang construction worker matapos pagsasaksakin ang dalawang katrabaho nito sa Brgy. San Felipe, Cuenca, Batangas, nitong Lunes, May 29, 2023.

Kinilala ang mga biktima na sina Joseph La Torre, 21 anyos at Christian San Riego, 29 anyos, parehong residente ng Brgy. San Jose, Lipa City. Samantalang kinilala naman ang suspek na si Fermin Orros, tubong-Northern Samar at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Tipakan Purok 3, Lipa City.

Sa salaysay ng Cuenca MPS, dakong alas 11:55 ng gabi din ng Lunes nang makatanggap ang mga ito ng tawag mula sa isang concerned citizen na may insidente umano ng pananaksak sa nasabing lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas 9:30 ng gabi sa isang construction site habang nag-iinuman ang suspek at ang dalawang katrabaho nito. Nagkasagutan umano ang mga ito na nauwi sa pananaksak sa mga biktima. Nagtamo ang mga ito ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Agad namang isinugod ang dalawang sugatan sa Hospital upang magamot at di kalauna’y inilipat sa Batangas Medical Center Hospital, Batangas City para mabigyan ng medical treatment. Habang, ang suspek naman ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon. | I.A. Ramos, BChannel News Intern

About Author