Pumalo sa 42,492 magsasaka ang napagbuklod-buklod ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program simula noong taong 2021 haggang sa unang semestre ngayong taong 2023.
Nakatuon ang nasabing programa sa pagsasama-sama ng mga magigiting na magsasaka at mangingisda na may magkakalapit at magkakatulad na aktibidad sa isinasagawang produksyon.
Layunin ng programa na pag-isahin ang direksyon sa pamamahagi ng mga interbensyon ng
ahensya para masuportahan ang mga pangangailangan ng grupo. Aalalay din ang tanggapan sa
mga benepisyaryo sa pagbuo ng plano upang masigurong mas mapaunlad ang hanapbuhay ng mga
magsasaka.
Kinabibilangan ang mga magsasaka ng 124 clusters ng magpapalay, magmamais,
organikong magsasaka, naghahayupan, at high-value crops farmers na may kabuuang 26,320.68
ektaryang sakahan.
Inaasahang sa pamamagitan ng mga clusters ay mas mapapalakas ang kapasidad ng mga
benepisyaryo; mas mapapabuti ang kalidad ng produkto at ugnayan sa merkado; at mas
magkakaroon ng lakas ang mga magsasaka sa pakikipagkalakaran.
Bahagi rin ng suporta ng F2C2 program ang maiugnay ang mga na-cluster na samahan sa mga
katuwang na institusyon gaya na lamang ng Jollibee Group Foundation, International Fund for
Agricultural Development, Agricultural Training Institute, Philippine Rice Research Institute,
Agricultural Credit Policy Council, Cooperative Development Authority, at iba pang ahensya na
kabilang sa nabuong PAFES/F2C2 Regional Technical Working Group ng programa.
Ilan sa benepisyo ng ugnayang ito ay ang pagbibigay ng gabay sa produksyon at pagsasanay kagaya
ng Leadership and Organizational Management Training; Financial Management and Basic
Accounting; at Business Plan Preparation at Entrepreneurial Mind-Setting.
Sa kasalukuyan, natapos nang mabuo ang 73 CDPs na naglalaman ng pagkakakilanlan, plano, at mga
pangangailangan ng bawat cluster na magiging batayan ng DA sa pagkakaloob ng suporta.
Inaasahang bago matapos ang taon ay mabubuo pa ang karagdagang 54 CDP at maitatag ang tatlo
pang cluster na kasalukuyang sumasailalim sa enterprise assessment at balidasyon. | via DA-CALABARZON