Nauwi sa tangkang pagpatay ang dati pang alitan ng mag-pinsan sa Brgy. Bulacnin, Lipa City, Batangas kung saan pinagbabaril ng suspek ang biktima bandang alas-6:30 ng umaga noong August 29.
Kinilala ang biktima na si Joel De Torres, 55 taong gulang na residente ng Brgy. Bulacnin, Lipa City, Batangas samantalang natukoy naman ang suspek na si Heraldo De Torres alyas “Jerry”, 59 taong gulang na residente rin ng nasabing lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Lipa City Police, nakaupo sa kusina ng kanilang bahay ang biktima nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng pinsan na suspek, at maswerte namang di tinamaan ang biktima sa pagpapakawala ng mga putok ng suspek na agaran ding tumakas sa pinangyarihan ng insidente.
Base pa nga sa karagdagang imbestigasyon ng mga awtoridad, galit o dating alitan ang motibo ng naturang krimen, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang siyam (9) na basyo ng bala para sa caliber 9mm na baril at dalawang (2) piraso ng metal fragment.
Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad para sa pagdakip sa naturang suspek na kasalukuyan pang pinaghahahanap ng pulisya na mahaharap sa kaukulang kaso. | J. Atienza, BChannel News