Dead on arrival sa ospital ang isang lalaki matapos barilin sa ulo bandang ala-1:30 ng madaling araw noong September 2 sa Brgy. Balagtas, Batangas City.
Kinilala ang biktima na si Sherwin Matanguihan na kasalukuyang residente ng Brgy. Balagtas, Batangas City, samantalang kinilala naman ang suspek na si Aristotle De Chavez na residente naman ng Brgy. Pook ni Banal, San Pascual, Batangas.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Batangas CPS, habang nasa loob ng kubo ang biktima ay bigla na lamang itong binaril sa ulo ng suspek gamit ang ‘di pa natutukoy na armas at tumakas sakay ng kulay gray na Mazda Sendan may spoiler at plate number na nagtatapos sa 421 patungong Balagtas Rotonda dala ang armas na ginamit sa insidente.
Isinugod nga ang naturang biktima sa Batangas Health Care Specialists ngunit idineklara rin itong dead on arrival bandang ala-1:52 ng madaling araw.
Kasalukuyan naman nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad para madakip ang naturang suspek habang inaalam na rin ang motibo nito sa pamamaslang.