fbpx

Buhok at dugo na nakuha sa inabandonang SUV sa Batangas City, tumugma kay Catherine Camilon

Kinumpirma na mismo ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Major General Romeo Caramat Jr., na ang natagpuang mga hibla ng buhok at bahid ng dugo mula sa SUV na pula sa Batangas City ay nag-match kay Catherine Camilon.

Ayon kay Caramat nitong Lunes ng gabi, nag-match ang DNA sample mula sa pamilya ni Camilon sa mga nakalap na ebidensya sa Honda CRV.

Tumugma rin umano ito sa mga naging pahayag ng mga saksing kanilang nakausap.

Matatandaang lumutang ang dalawang testigo sa CIDG at sinabing nakita umano nila ang biktima na duguan ang ulo at inilipat ng tatlong kalalakihan sa pulang SUV galing sa isang kotse.

Nauna nang kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention ang itinuturong suspek na si Police Major Allan De Castro, driver nito na si Jeffrey Magpantay, at ang dalawa pang hindi pinangalanan.

Sa ngayon, patuloy pa ring mangangalap ng forensic evidence ang mga pulis na magdidiin sa mga suspek.

About Author