Patay ang isang 38-anyos na lalaki makaraan saksakin ng kanyang kainuman nitong Lunes Pebrero 5, dakong alas 2 ng madaling araw sa Newsite, Baseco Compound, Port Area, Manila.
Kinilala ng pulisya ang pinaslang na biktima na si Junifer San Buenaventura, habang ang dalawang suspek na tumakas ay sina James Binesio at Darwin Gomez.
Sa imbestigasyon ng kapulisan, habang nag-iinuman umano ang grupo at nagkakantahan ay nakarinig ang testigo ng malakas na kalabog mula sa roof deck.
Napansin nito na nagmamadaling bumaba ng hagdan ang mga kainuman ng biktima na duguan ang katawan at damit.
Dahil dito, humingi ng tulong sa mga awtoridad ang testigo at ipinagbigay alam agad ang insidente para sa tamang imbestigasyon.
Ayon sa report, posibleng umanong hindi nagustuhan ng mga suspek ang kanta o nairita sa boses ng biktima. Sa ngayon nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya gayundin ang tunay na motibo ng mga suspek sa pagpaslang.