fbpx

Lalaki, patay matapos barilin ng kanyang nakaalitang kapitbahay sa Rizal

Patay ang isang lalaki matapos barilin ng kanyang nakaalitang kapitbahay na kanya rin ipina-barangay sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal nitong Lunes dakong alas-8:30 ng gabi.

Batay sa ulat ng Rodriguez Police Station, naganap ang krimen sa loob ng inuupahang kuwarto ng biktima na si Rommel Cartabon.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang nasa loob ng kanyang silid ang biktima nang bigla na lang sumulpot ang suspek mula sa likurang bintana at binaril ito gamit ang sumpak.

Matapos ang krimen, kaagad na umanong tumakas ang suspek.

Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek na si alyas Joey dela Cruz, kapitbahay ng biktima, na mahaharap sa kasong murder.

Isa sa mga motibong tinitingnan ng pulisya ay ang naging alitan ng magkapitbahay, na nauwi sa pagpapa-barangay ng biktima sa suspek.

About Author