Sumiklab ang sunog sa isang paaralan sa Barangay Lipahan, San Juan, Batangas nitong Linggo, Marso 3, bandang alas 7:41 ng gabi.
Ayon sa ulat ng San Juan Police Station, anim na silid-aralan ng Batangas Eastern Colleges ang natupok ng apoy, habang idineklarang under control ang sunog bandang alas 8:20 ng gabi.
Maliban sa BFP, nagtulong-tulong na rin ang mga residente upang maapula ang nasusunog na paaralan.
Aabot sa P100,000 ang halaga ng pinsala ng naturang sunog.
Wala naman naitala na nasaktan o nasawi sa insidente.
Agad naman nagtungo ang Mayor ng San Juan na si Ildebrando “Beebong” Salud gayundin ang dating alkalde na si Rudy Manalo sa pinangyarihan upang kumustahin ang naturang sunog.
Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.