Pinapaimbestigahan ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Raffy Tulfo ang Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) dahil sa umano’y listahan ng mga pangalan na kung saan isang bettor o mananaya na nanalo sa lotto nang 20 beses sa loob lamang ng isang buwan.
Ayon kay Tulfo, hindi lang daw isang tao ang 20 beses na nanalo sa isang buwan, mayroon pa umanong sampung beses sa isang buwan. Ito ay batay sa listahan ng mga nanalo na isinumite ng Philippine Charity Sweeptakes Office o PCSO sa kamara.
“‘Yung PCSO, nagbigay ho sa akin ng listahan… ito nga po ‘yung sinasabi ko medyo nakakataas ng kilay. Mayroon doon na isang tao nanalo nang 20 times in one month. Mayroon doon 10 times in one month,” saad ni Tulfo.
Dagdag pa ni Tulfo, maaaring magkapareho lang ng pangalan ang nasa listahan ngunit ang pinagtataka niya ay pare-pareho ang premyong napanalunan.
Ayon naman kay PCSO General Manager Mel Robles sa isang panayam ng GMA news, nilinaw nito na walang nanalo ng jackpot sa lotto nang 20 beses sa loob ng isang buwan. Maaari raw na na mag-claim ng premyo ang isang tao nang 20 beses o higit pa sa lower tier games at hindi sa jackpot games.
“Wala pong nanalo ng 20 jackpot games in one month. Pero maaaring ang isang tao ay mag-claim nang 20 times or even more than 20 times sa ibang games namin” saad ni Robles.
Matatandaan na noon pa ay pinapangunahan na ni Senador Tulfo ang pagpapaimbestiga sa integridad ng PCSO games. | J.A Idanan, B.Channel News Intern