Naglabas ng babala nitong Linggo ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa publiko hinggil sa paggamit ng mga elektronikong sigarilyo o vape na umano’y may halong marijuana oil.
“PDEA warns the public not to patronize marijuana-laced e-cigarettes because of the health hazards involved, and most importantly the law explicitly prohibits it,” base sa inilabas na pahayag ng PDEA.
Sinabi ng PDEA na mas dumarami na ang nagbebenta ng ganitong uri ng produkto sa mga tindahan at lalo na sa online. Ang ganitong modus operandi ay maaaring humantong sa adiksyon sa marijuana, partikular sa mga gumagamit nito.
“Considering that the vaping culture is predominantly popular among the youth, PDEA is wary that these cannabis extracts can passed off as a legitimate vape aerosol in the market and sold to the younger patrons,” dagdag pa ng PDEA.
Ayon pa sa PDEA, nakumpiska nila ang cannabis oil, marijuana kush at vaping products na nagkakahalaga ng PHP842,000 sa Taguig City noong Marso 14.
Bukod dito, nakumpiska rin ng PDEA at ng Bureau of Customs ang 18 kahon na naglalaman ng mga parehong produkto na nagkakahalaga ng PHP337 milyon sa Port Area, Manila, noong nakaraang Linggo.
Sa ngayon, mas palalakasin pa ng PDEA ang pagmomonitor sa mga tindahan at online seller ng vape na may halong marijuana oil. | J.A Idanan, B.Channel News Intern