
Muling dinarayo ngayong Semana Santa ang “Kapilya ni San Gabriel Archangel” o mas kilala na “Simbahang Bato” sa Brgy. San Gabriel, Laurel, Batangas.

Makikita sa TikTok video ni Venus Fernandez, ang nakakamanghang simbahan dahil sa natural na pagkakalikha nito. Wala itong bubong at literal na gawa sa bato na napapalibutan ng mga likas na yaman ng kalikasan tulad ng mga malalaking puno, maberdeng mga halaman, mga gawa sa puno na upuan at luruhan, gayundin, may iba’t ibang imahe ng mga santo na naka display.
Ang dinarayong simbahan na ito ay dating kweba at isa nga sa mga makasaysayang lugar na matatagpuan sa probinsya ng Batangas dahil ayon sa mga matatanda, bago pa man naging simbahan ang lugar na ito, itinuturing na itong sagrado ng mga lokal. Napapaligiran ito ng mga malalaking puno at iba’t ibang uri ng halaman, at tinitirahan ng mga ibon at ligaw na mga hayop ang nakakalapit dito.

Bukod dito, mahiwagang kweba raw ito noon dahil may mga nasasabi ding nakakarinig ang mga ninuno ng mga magagandang at kakaibang musika.

Sa paglipas ng panahon, ang kinakatakutang kweba na ito ay unti-unti nang nilapitan ng mga tao at tanging mga huni na lamang ng mga hayop ang kanilang naririnig. Sa katunayan ginamit din ito bilang taguan ng mga ninuno sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig ng sakupin ang mga mamamayan dito ng mga hapones, at may mga nagsasabi rin na mayroon din itong lihim na lagusan patungo sa Barangay Paliparan, Laurel, Batangas.

Nang matapos ang pangalawang digmaan, pansamantalang naging tirahan ito ng mga ninuno kapag may mga malalakas na bagyo dahil mas ligtas sila sa lugar na ito kaysa sa kanilang tahanan na gawa sa kahoy.
Sa paglipas ng ilang taon, isang Kura Paroko na si Fr. Ben Meraña ang nakatuklas sa kwebang ito at ginawa niya itong simbahan na tinawag niyang San Gabriel Archangel Church o Simbahang Bato.
Hanggang ngayon ay maraming ang mga dumadayo sa simbahan na ito, at may ilang nagsasabi na kapag nagdadasal at binubulong mo ang iyong hiling sa kwebang simbahan na ito ay natutupad, ayon sa mga lokal at turista na nakapagbista na dito.
Ngayong Semana Santa, inaasahan na lalo pang dadagsa ang mga debotong lokal at turista. Ang simbahang ito ay isang magandang lugar na puntahan upang mag muni-mini, humingi ng tawad sa mahal na diyos at pahalagahan ang ganitong sagradong lugar na makasaysayan. | J.A Idanan – B.Channel News Team | 📸 Batangas Tourism and Cultural Affairs