Tinangay ng dalawang kawatan ang mahigit P17,000.00 at dalawang cellphone matapos holdapin ang isang convenience store sa Lian, Batangas, nitong Martes, ika-9 ng Abril.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Lian Municipal Police Station, nangyari ito sa isang convenience store sa Brgy. Poblacion 2 sa Lian bandang alas dos ng madaling araw, nang bigla lamang ito pasukin ng dalawang lalaki na nakasuot ng helmet at jacket, at tinutukan ng baril ang bantay sa naturang tindahan.
Pagkatapos, tumakas ang dalawang magnanakaw patungo sa hindi pa matukoy na direksyon, dala ang ninakaw na dalawang cellphone at cash money na higit sa labingpitong libong piso.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng Lian MPS ang pangyayari at tinutukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang kawatan. | J.A Idanan, B.Channel News