Sugatan ang isang 29-anyos na rider matapos mabangga ng isa pang motorsiklo sa national highway sa Barangay Bagong Tubig, Calaca City, Batangas noong Martes, ika-9 ng Abril.
Kinilala ng Calaca Police Station ang biktima na si Gabriel Clark Balbay, residente ng Barangay Madalunot, Lungsod ng Calaca habang ang nakabangga na rider ay si Jerald Patulot, 32-anyos at residente ng Sitio Cawong, Barangay Pantay, Lungsod ng Calaca, Batangas.
Sa paunang imbestigasyon ng Calaca Municipal Police Station, habang naka-stop ang biktima sa nasabing kalsada para tulungan ang iba pang sasakyan sa likuran, nabangga umano ito ng mabilis na paparating na motorsiklo na minamaneho ni Patulot.
Dahil dito, nagkaroon ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang parehong rider at agad na dinala sa ospital para mabigyan ng medikal na atensyon.
Sa kasalukuyan, nagbigay na ang Calaca MPS ng summon o Traffic Citation Ticket (TCT) sa suspek at nahaharap ito sa paglabag sa Reckless Driving at Driving under the Influence of Liquor. | J.A Idanan, B. Channel News