Kinilala ang lungsod ng Calamba sa Laguna bilang pinakamalinis na hangin sa lungsod sa Pilipinas at ika-anim na pinakamalinis na lungsod sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya, ayon sa ulat ng 2023 IQ Air World Air Quality.
Ang pag-aaral na ito ay lubusan na sinuri ang kalidad ng hangin kung sumusunod sa tinatayang annual air quality guideline value ng World Health Organization (WHO) ang mahigit 7,812 na lungsod sa buong mundo, at 357 na lungsod sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Ayon sa pag-aaral ng 2023 IQ Air World Air Quality, ang Calamba ay nasa ika-anim na puwesto sa Timog-Silangang Asya at pinakamalinis sa bansa, na may average na 8.2 μg/m3 ng PM2.5. Samantala, nasa ika-siyam sa listahan ang Carmona, Cavite, na may 8.9 μg/m3, habang nasa ika-labing-isa ang Balanga, Bataan, na may 9.2 μg/m3.
Ayon naman kay Ronn Martin Reyes, ang supervising environmental management specialist ng CENRO Calamba, kaya’t malinis ang kanilang lungsod ay dahil ang lokal na pamahalaan sa Laguna ay may matatag na plano na repasuhin at amyendahan ang kasalukuyang ordinansa upang labanan ang paggamit ng plastik ng mga residente na nakakadagdag sa polusyon.
“We actually have regulations about the use of styrofoam and plastic bags, which are covered under the ordinance 10-481. We will be focusing on reviewing and strengthening these laws by campaigning to utilize alternatives,” saad ni Reyes.
Inaasahan ng mga residente at lokal na pamahalaan ng Calamba na mapapanatili nila ang kalinisan at maayos na kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ordinansa laban sa paggamit ng single-use plastics.
Matatandaang dati nang nakatanggap ang Calamba ng pagkilala bilang pinakamalinis na lungsod sa Timog-Silangang Asya at sa bansa batay sa 2018 IQAir World Air Quality Report, kung saan noon ay naitala ng lungsod ang isang average na 9.2 μg/m3.
Sa kabilang dako, kinilala naman na most polluted city sa bansa ang Mandaluyong, National Capital Region, ayon sa pag-aaral ng 2023 IQ Air World Air Quality. | J.A Idanan, B.Channel News