fbpx

Lalaking rider, patay matapos sumemplang dahil sa aso sa Calatagan, Batangas

Patay ang isang lalaki nang mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at sumemplang matapos iwasan ang tumawid na aso sa Calatagan Batangas bandang 5:30 ng hapon nitong Miyerkules, ika-17 ng Abril.

Nakilala ng Calatagan MPS ang biktima na si Albert Alpahando, 42 taong gulang at residente ng Santa Ana, Calatagan, Batangas.

Batay sa imbestigasyon ng Calatagan Police Station, habang binabaybay ng biktima ang provincial road galing sa Brgy. Bagong Silang patungo sa Brgy. Santa Ana sakay ng kanyang motorsiklo ay bigla itong nagpreno para makaiwas sa isang ligaw na aso na biglang tumawid sa kalsada.

Dahil dito, nawalan ng balanse ang biktima at nahulog mula sa kanyang motorsiklo dahilan upang tumama ang kanyang ulo sa semento ng kalsada.

Lumalabas naman sa report ng Calatagan Police na nakainom umano ang biktima.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon ng Calatagan MPS hinggil sa insidente. | J. Fruelda, BChannel News

About Author