fbpx

Estudyante, ikinuwento ang hinihinala niyang ‘ketchup’ modus na naranasan sa Batangas City

Nagbigay ng babala sa Facebook ang isang commuter sa publiko hinggil sa isang modus ng kawatan na tinatawag na “Ketchup Modus” sa mga jeepney sa Batangas City, matapos muntikan nang mabiktima ang kaniyang pinsan habang sakay ng jeepney nitong Miyerkules, ika-17 ng Abril.

Sa ibinahagi na kwento ng pinsan ni Maricel, bandang alas-onse ng umaga, habang sakay siya sa jeep papunta sa kaniyang eskwelahan, napansin niya ang isang lalaki sa kaniyang harapan at dalawang lalaki na pilit tumabi sa kanyang pwesto kahit na puno na ang jeep at umaandar na ito.

Nang malapit na siya sa may STI, biglang nakaramdaman siya ng isang kakaibang sensasyon sa kanyang likod.

Sa una, hindi niya ito pinansin dahil sa akala na mayroong nag-aayos lamang ng bintana ng jeep. Nang bumaba na lahat ng pasahero at habang naghihintay ang jeep ng bagong pasahero, sinabihan siya ng lalaking nasa harapan niya na may nagtapon daw sa likod niya.

“Sabi niya sa akin ay isang motorsiklo ang nagtapon. Tiningnan ko sa side mirror ng jeep kung ano ang sinasabi niya, at doon ko nakita na ang aking likod ay may ketchup na,” pahayag ng babae sa isang panayam ng Balisong Channel News Team.

Dagdag pa ng babae, nakaramdam siya ng kakaiba sa lalaking katabi niya dahil labis ang pag-aalala nito at tinanong din siya kung may pasok siya at inutusan na ilagay ang kaniyang cellphone sa loob ng kaniyang bag, ngunit hindi siya sumunod at hinawakan niya pa rin ito ng mahigpit. Kasunod nito, inalukan din siya ng tissue at pinilit nitong punasan ang kaniyang braso ngunit hindi siya pumayag.

“Nang malapit na kami sa Capitolio, parang nagmamadali na siya at inuudyukan akong punasan ang aking likod, ngunit ako’y nanatiling nakatingin sa aking mga gamit at sa aking katabi at napansin ko na tila pilit siyang sumisiksik pa lalo sa akin. Sakto naman na walang traffic at nakarating na rin sa babaan, sa may hilltop, bumaba na ako agad,” saad pa ng babae.

Sa kabutihang palad, nakababa siya nang ligtas at walang nawalang gamit sa kaniyang bag.

Dumiretso naman siya kaagad sa pupuntahan niya at kinuhanan ng mga larawan ang mantsa ng ketchup sa kaniyang uniform at ibinahagi ang nangyari sa social media upang magbigay ng babala sa mga commuter.

Ayon sa pinsan ni Maricel, pinapaniwalaan niya na isang modus ng mga kawatan ang nangyari sa kaniya.

Sinusubukan pa kuhanan ng panig ng News Team ang Department of Transportation (DOTr) kung may naitala na rin na ganitong insidente sa lungsod. | J.A Idanan, B Channel News

About Author