Usap-usapan ngayon sa social media ang pangalan ng kumpanyang SOAO Energy matapos mapabalita na hindi na umano maibalik ang pera ng mga investor nito.
Sa isang Facebook group ng SOAO Energy Philippines, ibinahagi ng ilang investor ang kanilang pagkadismaya dahil hindi nila ma-withdraw ang kanilang pera.
“Salamat SOAO Energy dahil sa’yo wala na akong motor. Binenta ko pa ‘yon para mag-invest ng 40k, pero di man lang nakabawi kahit piso. Dating naka-motor, ngayon naglalakad na lang,” saad ng isang investor sa Facebook group.
Matatandaang naglabas noon ng abiso ang Security and Exchange Commission (SEC) na nakatatanggap sila ng mga reklamo hinggil sa SOAO Technology, SOAO-Technologyco.LTD. Advertising OPC, SOAO Energy, at SOAO Group na pagmamay-ari ni Girlie Bayot Dichosa. Ito ay mayroong “Power Generator Rental Scheme” na nanghihikayat ng mga tao na mamuhunan.
Ayon pa sa SEC, ang SOAO, SOAO Technology, SOAO Energy, at SOAO Group ay hindi rehistrado bilang korporasyon o partnership. Subalit ang SOAO-Technologyco.LTD. Advertising OPC ay rehistrado bilang One Person Corporation noong ika-20 ng Enero 2024 sa ilalim ng SEC Reg. No. 20244010132347-48.
Gayunpaman, binigyang-diin ng ahensya na ang lahat ng ito ay hindi awtorisado na mag-alok, mag-solicit, magbenta, o magdistribute ng anumang investment/securities sa publiko.
Sinusubukan pang kuhanang ng panig ng News Team ang SOAO Energy Philippines ukol sa akusasyong ito. | J.A Idanan, B.Channel News