Nasawi ang isang 38-anyos na rider matapos na sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo sa Lipa Ibaan road Brgy. Sampaguita, Lipa City nitong Huwebes ng bandang 11:30 ng gabi Abril, 18.
Ayon sa report ng Lipa City Police, habang binabagtas ng biktima na si Frankie ang naturang kalsada ay bigla na lang sumemplang ang motorsiklo nito.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Lipa Police, nawalan umano ng kontrol ang rider sa manibela ng kanyang minamanehong motorsiklo at bumagsak ang katawan nito sa side walk.
Lumalabas rin sa paunang ulat ng pulisya na tila nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang rider. Nadala pa ospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Nakitaan naman ng kahina-hinalang sugat sa noo ang biktima kung kaya’t magsasagawa ng autopsy ang mga awtoridad sa katawan ng rider.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang aksidente.