fbpx

39-anyos na lalaki, patay matapos bugbugin sa San Jose, Batangas

Patay ang isang 39-anyos na lalaki matapos umanong gulpihin ng tatlong suspek kabilang ang isang menor de edad na lalaki sa Brgy. Don Luis, San Jose, Batangas nitong Linggo, ika-21 ng Abril 2024.

Batay sa ulat ng San Jose Police Station, bandang alas 2 ng madaling araw, nagkaroon umano ng ‘di pagkakaunawaan ang 3 suspek sa biktima na nauwi sa pagkompronta at pambubugbog.

Dahil dito, nagtamo ng injury sa noo ang biktima matapos tumama ang ulo nito sa semento.

Sa CCTV Footage na pinadala ng San Jose Police sa News Team, makikita na habang nakahandusay na ang biktima sa kalsada ay muling sinuntok ng mga suspek ang lalaki.

Agad din namang rumesponde ang kapulisan sa insidente at natagpuan ang katawan ng biktima sa tabing kalsada na wala nang buhay.

Samantala, matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek kung saan agad na nagsagawa ng follow operation ang pulisya para maaresto ang mga suspek.

Nahuli ng pulisya ang menor de edad habang sumuko ang 2 pa nito kasamahan. Sa ngayon nasa kustodiya na ang 3 suspek at nahaharap sa kasong homicide.

Sa panayam ng News Team sa pulisya, nagbitaw umano ng pagbabanta ang biktima sa bayaw ng isa sa mga suspek.

Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang krimen. | D.B. Rupan, BChannel News | PHOTO San Jose MPS

About Author