fbpx

2 rider, sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa San Juan, Batangas

Sugatan ang dalawang rider matapos magbanggaan ang kani-kanilang minamanehong motorsiklo sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Mabalanoy, San Juan, Batangas noong Martes, ika-23 ng Abril.

Kinilala ng San Juan MPS ang mga rider na si Mark Rhosbelt Panganiban, 25 taong gulang, at ang kasalubong nitong rider na si Eddie Panganiban, 35 taong gulang.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan MPS, bandang alas singko ng umaga, habang tinatahak ni Mark ang daan patungo sa Barangay Poblacion, nang aksidenteng masagi siya ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Eddie habang paliko sana ito papuntang gasoline station. 

Sa kabutihang palad, walang nasawi sa nangyaring aksidente subalit nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang dalawang driver.

Kasalukuyang nasa ospital ang dalawang rider para sa medikal na atensyon.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng San Juan MPS sa naturang insidente. | J.A Idanan, B.Channel News

About Author