Nakitaan ng 5.2% na growth rate ang ekonomiya ng CALABARZON nitong 2023, mas mabagal ito kumpara sa 7.8% noong 2022, ayon kay Regional Director ng Philippine Statistics Authority-Region CALABARZON Charito Armonia.
Sa ginanap na 2023 Report on the Economic Performance of CALABARZON Media Conference sa Lungsod ng Calamba, Laguna ngayong Huwebes, ika-25 ng Abril, nabanggit na umabot na sa P3.10 Trilyon ang ekonomiya ng rehiyon mula sa P2.94 Trilyon noong 2022.
Ayon sa 2023 Regional Accounts ng CALABARZON, nag-ambag ang rehiyon ng 0.8% points sa 5.5% na paglago ng GDP ng Pilipinas noong 2023.
Bagamat ganito ang pagganap ng ekonomiya, nananatili pa ring pangalawang pinakamalaking kontribyutor ang CALABARZON sa pambansang gross domestic product sa 14.7%.
Pinangunahan ng Laguna ang kontribusyon nito sa paglago ng ekonomiya ng rehiyon, na umabot sa P999.69 bilyon, sinusundan ng Cavite at pangatlo naman ang Batangas.
Ang pangunahing nagtulak sa paglago ng rehiyon ay ang Wholesale at retail trade, repair ng mga sasakyan at motorsiklo na nag-contribute ng 0.9 porsyentong punto. Sinundan ito ng manufacturing na may 1.7 porsyento at financial at insurance activities na may 13.8 porsyento.
Umabot sa P1.53 trillion ang naging ambag ng Industry sector ng Calabarzon sa ekonomiya ng rehiyon, P1.42 trillion naman ang naging ambag ng services sector, habang P0.14 trillion lamang ang naiambag ng agriculture sector.
Ang Provincial Product Accounts (PPA) ay isang mekanismo na nagtatala ng Gross Domestic Product (GDP) sa sub-regional level.
Ibig sabihin mas mabibigyang-pansin ang pagkakaroon ng angkop at wastong economic performance report para sa provincial at highly-urbanized city level.
Magiging batayan din ito na susubaybay ang economic development sa local level, at makakatulong para mas mapagtibay pa ang mga pagbuo ng mga makabuluhang economic policies ng mga provincial policymakers at stakeholders.