Patay ang isang lalaki matapos umanong sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang van sa National Highway of Sitio Hulo, Barangay Calayo, Nasugbu, Batangas, pasado alas 6 ng umaga nitong Martes, ika-7 ng Mayo.
Batay sa Imbestigasyon ng Nasugbu MPS, binabaybay umano ng biktima na kinilalang si Loreto Panaligan ang nasabing Highway patungo sa Barangay 11, malubak ang dinadaan nito kaya lumipat ito sa kabilang lane at aksidenteng sumalpok sa nasa unahang sasakyan.
Nagtamo ang biktima ng matinding tama sa ulo at na-dislocate pa ang kaliwang binti nito.
Naisugod pa ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.
Wala namang natamong sugat ang driver ng van ngunit malaki ang naging pinsala ng pagsalpok sa kanyang sasakyan.
Sa ngayon, kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente. | A.Carpio, BChannel News