Natagpuan na walang saplot pang ibaba ang bangkay ng isang 16-anyos na babae sa Brgy Darasa, Tanauan City, Batangas nitong Lunes bandang 11:50 ng umaga, ika-13 ng Mayo.
Nakilala ng Tanauan City Police Station, ang biktima na si Rhean Lopez, residente ng Poblacion, Malvar, Batangas.
Batay sa imbestigasyon ng Tanauan CPS, nang ma-track ng ina ang numero ng biktima ay agad humingi ng tulong sa opisyal ng Brgy. Darasa upang hanapin ang Soledad Park at doon ay natunton ang biktima na nakahandusay at walang saplot pang ibaba sa madamong bahagi ng lugar ng insidente.
Matatandaang ipinanawagan pa sa social media ang biktima ng kanyang mga kaanak nitong Lunes ng umaga Mayo 13, upang matunton ang kinaroroonan nito.
Sa ngayon ay patuloy pa rin imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente at sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.
Sumisigaw naman ng hustisya ang mga kaanak, at kaibigan ni Rhean dahil sa karumal dumal na pagpatay ng suspek. | J. Fruelda, BChannel News