Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng suspek na dumaranas umano sa matinding depresyon sa Purok 2, Brgy San Francisco, Sto Tomas City, Batangas nitong Linggo ng gabi, August 18.
Kinilala ng Sto Tomas City Police Station ang biktima na si alyas Alexander habang ang suspek ay si Alyas Sonny.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinaksak umano ng suspek ang biktima gamit ang isang kutsilyo sa hindi pa malamang dahilan.
Naisugod pa ang biktima sa ospital para sa medikal na atensyon subalit sa kasamaang palad, itoy dineklarang dead on arrival.
Ayon sa pamilya ng suspek, dumaranas umano ito sa matinding depresyon.
Isinuko naman ng kanyang mga kaanak ang suspek sa kustodiya para sa karampatang kaso.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa krimen kung ano ang motibo ng suspek sa pananaksak.