Opisyal nang nagpakilala ang tatakbo sa pagka-Mayor ng Sto. Tomas City, Batangas na si Engr. Nolie Sanchez sa darating na eleksyon 2025.
Si Engr. Noli Sanchez, tubong San Agustin, Sto. Tomas, ay naging Municipal Engineer ng Sto. Tomas City, Batangas sa loob ng labing-anim na taon, bago pa man ito maging ganap na lungsod, at pangulo ng lahat ng Civil Engineer sa buong lalawigan ng Batangas.
Bahagi ng pagpapakilala ni Engr. Sanchez, inilahad niya ang kanyang mga plano at plataporma para sa lungsod at mga mamamayang Tomasinos. Ilan sa kanyang mga plataporma ay mapaigting ang pagbibigay suporta sa edukasyon ng mga kabataan, gaya ng pagkakaloob ng scholarship program at mga school supplies sa mga mag-aaral, at magkaroon ng mga programa at serbisyo na magbibigay proteksyon at pangangalaga sa kapakanan ng mga senior citizen.
Bahagi rin ng kanyang plataporma ang mabigyan pa ng maraming job opportunities ang mga kababayan at makapaglunsad ng mga specialized training sa mga barangay para sa mga mamamayan ng Sto. Tomas.
“Sisikapin ko po na manghikayat ng mga negosyo dito sa aming bayan upang lahat po ng trabahador na kailangan nila ay mai-provide po namin.”, pahayag ni Engr. Nolie Sanchez sa kanyang pagpapakilala.
Ayon pa kay Sanchez, ang naging inspirasyon aniya para patuloy na maglingkod sa bayan ay ang kanyang mga kababayan na nangangailangan lalong lalo na ang mga nasa laylayan.
“Ako ay nalulungkot kasi maraming sa aming mga kababayan ang talagang nangangailangan ng tulong lalong lalo na po dun sa mga [nasa] laylayan. So, yun yung talagang nagtulak sakin..” saad pa ni Sanchez.
Samantala, binigyang-diin niya rin na hindi umaano siya politiko na tao kundi isang lider at handa aniya siyang ipagpatuloy ang mga serbisyong kanyang ginagawa na.
Layunin ng tatakbong mayor ay ang magkaroon ng isang mas maunlad at mas matatag na Lungsod ng Sto. Tomas. | BChannel News