Isinagawa ang isang Biosecurity awareness campaign bilang bahagi ng pagsalubong sa ika-164 na taon ng kapiyestahan ng Mahal na Birhen Nuestra Señora de la Merced sa Merkanto de Taysan nitong Lunes, Setyembre 23.
Ang nasabing programa ay isinagawa sa pangunguna at inisyatiba ni dating Mayor Dondon Portugal kasama ang kanyang butihing maybahay na si Hon. Eloisa Portugal, kung saan tampok ang pagkain ng karneng baboy mula sa kanilang bayan sa inihandang libreng Lechon Boodle Fight feast.
Dumalo rin dito ang mga kasamahan nito na sina Bob Macaraig, Patrick Perez, Edgardo Arellano, Dave Batarao, Mike Anthony Arcega, Roy Macatangay, at Clint Bosch.
Layunin ng aktibidad na ito na hikayatin ang mga konsyumer na ligtas ang kumain ng karneng baboy mula sa kanilang bayan.
Ayon kay Portugal, isa ang bayan ng Taysan sa mga lubhang naapektuhan sa bentahan ng karneng baboy partikular na ang mga hog raisers o magbababoy dahil sa outbreak ng ASF sa lalawigan. Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, layunin ng grupo na matulungan ang kanilang hanapbuhay na makaahon at mas paigtingin pa ang biosecurity sa lugar sa pamamagitan ng pagbibigay kamalayan at pagtalakay kung paano maiiwasan ang mga posibleng sakit na maaaring dumapo sa hayop.
Ilan sa mga naimbitahan na tagapagsalita ay sina Dr. Dexter Guerra at Dr. Moralla kung saan tinalakay nila ang ilang paraan o preventive measures na maaring gawin ng mga hog raisers upang maiwasan ang iba’t ibang uri ng bacteria at sakit na maaring makaapekto sa hayop gaya ng African Swine Fever.
Ang Lechon boodle fight ay isinagawa upang suportahan ang hanapbuhay ng mga magbababoy, hikayatin ang mga mamamayan na bumili at hindi dapat matakot kumain ng karneng baboy dahil malinis at ligtas ang mga ibinebentang baboy dito.