fbpx

2 lalaki, magkahiwalay na dinukot at isinakay sa puting van sa Albay

Huli sa CCTV footage ang magkahiwalay na pagdukot ng isang puting van sa dalawang lalaki sa Tabaco City, Albay.

Sa kuhang CCTV footage, makikita ang 66-anyos na lalaki na nakasuot ng puting t-shirt na kinilalalng si Felix Salaveria Jr., habang naglalakad sa tabing kalsada ng Brgy. Cobo, Tabaco City bandang alas-11 ng taghali, nang dumating ang isang puting van na may plate no. na VAA5504 at sapilitang isinakay ang biktima sa sasakyan.

Samantala, sa hiwalay na CCTV footage, isang van na may plate no. na NDR5274 ang namataan bandang alas-10 ng gabi sa Brgy. San Lorenzo, Tabaco City noong Agosto 23, 2024, parehong araw at lugar kung saan naiulat na nawawala ang 63-anyos na si James Jazmines.

Matatandaan na nitong Agosto 23 unang naiulat na nawawala si Jazmines matapos dumalo sa 66th birthday ng kanyang kaibigan at kapwa cyclist advocate na si Salaveria sa Brgy. San Roque, Tabaco City.

Ayon kay Atty. Tony La Viña, ang pagdukot umano sa dalawa ay posible umanong isang professional operation na kagagawan ng state security agency.

Ang dalawang nawawalang biktima ay kilala sa pakikipaglaban ng mga ito para sa karapatan ng mga manggagawa sa rehiyon.

Samantala, na nanawagan na rin ng tulong ang pamilya ng mga biktima sa mga awtoridad at ahensya ng Pilipinas upang imbestigahan kung ano ang motibo sa pagdukot at matukoy na ang kinaroroonan ng mga ito na halos isang buwan ng nawawala.

About Author