Patay sa pamamaril ang isang 57-anyos na lalaki sa Barangay Salao, Rosario, Batangas bandang 12:30 ng tanghali noong Oktubre 29, 2024.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Rosario Police Station, kinilala ang biktima na si alyas Melchor, isang magsasaka, at residente ng Brgy. Salao.
Sa ulat ng pulisya, habang nagpapakain ng kanyang baka, bigla na lamang umanong lumapit ang dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaki at pinaputukan siya nang ilang ulit sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan, na agad na ikinamatay nito.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa Brgy. Salao dala ang kanilang mga baril.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang posibleng motibo sa pamamaslang sa biktima.
Ang mga residente ay hinihikayat na makipagtulungan sa pulisya at magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa ikalulutas ng kaso.