Patay ang 48-anyos na magsasaka matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sa Sitio Silangan, Barangay Calubcub 1st, San Juan, Batangas bandang alas-7 ng gabi nitong Martes, Nobyembre 26.
Ayon sa ulat ng San Juan Municipal Police Station (MPS), dumating sa lugar ang dalawang suspek na sina alyas Apolonio at alyas Jose habang sakay ng motorsiklo. Pagdating, tinawag ng mga ito ang biktima na si alyas Dennis at bigla na lamang binaril nang walang malinaw na dahilan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek gamit ang kanilang motorsiklo patungo sa Brgy. Calubcub 1st National Highway.
Nakita pa ng pamilya ng biktima ang buong pangyayari, kung saan tinadtad ng bala ang iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Agad siyang isinugod ng mga opisyal ng barangay sa San Juan District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa lugar ng krimen, narekober ang tatlong basyo ng bala para sa kalibre .45 na baril.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow-up na imbestigasyon ang pulisya at manhunt operation laban sa mga tumakas na suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng San Juan MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at malaman ang motibo sa likod ng krimen.