fbpx

Public forum ng Rappler na “#AmbagNatin: Championing Facts for an Informed Choice” sa De La Salle Lipa, Batangas matagumpay na naidaos

Isang matagumpay na public forum ang isinagawa ng Rappler ngayong Huwebes, Nobyembre 28, sa Nexus Atrium, De La Salle Lipa, na dinaluhan ng mga mag-aaral, mamamahayag, at kinatawan mula sa iba’t ibang unibersidad, kolehiyo, at organisasyon sa Batangas.

Ang forum na may temang “#AmbagNatin: Championing Facts for an Informed Choice” ay bahagi ng MovePH #AmbagNatin roadshow series na naglalayong itaguyod ang kredibilidad ng impormasyon bilang pundasyon ng maayos na pagpili sa panahon ng eleksyon.

Pinangunahan ni Pia Ranada, Community Lead ng Rappler, ang diskusyon ukol sa papel ng pagtitiwala sa maaasahang impormasyon bilang pundasyon ng tamang pagpapasya ng mga botante. Sinundan ito ng presentasyon ni Tina Ganzon-Ozaeta, isang Rappler Contributor, na nagbahagi ng mga estratehiya para mapanatili ang katotohanan at integridad ng impormasyon sa gitna ng eleksyon.

Bukod dito, nagkaroon din ng isang panel discussion na tumalakay sa epekto ng integridad ng impormasyon sa resulta ng eleksyon. Ang mga panelista ay kinabibilangan nina: Atty. Erlinda Candy T. Orense, Opisyal ng City Election Office, Lipa City Comelec; Dr. Renato Maligaya, Propesor ng Center for Batangas Studies – Research and Management Center Office; Hon. Voltaire Aedrian Pua, Pangulo ng SK Federation of Batangas; Tina Ganzon-Ozaeta, Rappler Contributor; at Mary Rose “Ella” Rivero, Station Manager ng Balisong Channel.

Ang aktibidad ay bahagi ng MovePH #AmbagNatin roadshow series, na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng #FactsFirstPH, Department of the Interior and Local Government-Calabarzon, Local Governance Resource Center, De La Salle Lipa, De La Salle Lipa Comelec, at Balisong Channel.

Samantala, nagkaroon din ng interaktibong sesyon ang mga kalahok kasama si Rai, ang chatbot ng Rappler, na nagbigay ng mga impormasyon gamit ang conversational format.

Ang forum na ito ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng katotohanan at kredibilidad ng impormasyon bilang mahalagang pundasyon para sa isang maayos at makatarungang eleksyon. | BChannel NEWS | JMP

About Author