Isang trahedya ang naganap sa Maharlika Highway sa San Pablo City, Laguna kung saan isang babaeng pasahero ng tricycle ang nasawi matapos mabangga ng isang kotse at masagasaan ng isa pang paparating na sasakyan nitong Martes ng hapon, Disyembre 3, 2024. Dalawa pa ang sugatan sa insidente na kinasangkutan ng tatlong sasakyan.
Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad, ang tricycle na minamaneho ni alyas Ramil ay tumatawid mula sa direksyon ng gasolinahan nang biglang mabangga ng isang kotse na minamaneho ni alyas Josh, 21-anyos. Sinubukan umano ng kotse na umiwas sa isang motorsiklo ngunit nabangga nito ang tricycle.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang babaeng pasahero ng tricycle sa kalsada at nasagasaan ng isa pang paparating na kotse na may plate number na HCV3679. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang naturang sasakyan.
Agad na isinugod sa ospital sina Ramil at isang menor-de-edad na pasahero ng tricycle para sa agarang lunas. Sa kabila nito, idineklara ang babaeng pasahero na dead on the spot dahil sa matinding pinsalang natamo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kinaroroonan ng tumakas na sasakyan at masigurong mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng trahedya. | BChannel NEWS