fbpx

Lalaki, patay sa sapak ng kanyang kainuman sa Rizal

Patay ang 54-anyos na lalaki matapos sapakin ng kanyang kainuman sa Lower Ambugraw Purok 2, Buntong Palay, Barangay Silangan San Mateo Rizal, noong Disyembre 1, 2024, bandang 9:00 PM.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagkakaroon ng inuman ang suspek at biktima nang maganap ang isang matinding pagtatalo sa pagitan nila.

Sa gitna ng alitan, sinapak ng suspek ang biktima, at tumama ang ulo ng biktima sa isang bakal na bahagi ng sari-sari store kung saan sila nag-iinuman. Dito, nadiskubre ng mga responder mula sa Barangay Silangan na ang biktima ay nawalan ng malay.

Agad na dinala sa ospital ang biktima, ngunit sa pagdating nito ay idineklara siyang dead on arrival.

Samantalang ang suspek ay mabilis na tumakas patungo sa hindi pa tiyak na direksyon.

Patuloy na nagsasagawa ng hot pursuit ang mga awtoridad mula sa San Mateo Municipal Station upang matukoy at maaresto ang suspek na tumakas. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang ugat ng alitan sa naturang insidente.

About Author