fbpx

Convenience store sa San Juan, Batangas, Hinoldap; Halagang P68K at 4 na Alak, Tinangay

Hinoldap ng mga armadong kawatan ang isang convenience store sa Brgy. Palahanan 2, San Juan, Batangas noong Enero 11, 2025.

Ang nasabing insidente ay naganap bandang alas-3 ng madaling araw ngunit nai-report sa San Juan Municipal Police Station (MPS) bandang alas-9:40 ng umaga.

Ayon sa ulat, dalawang hindi nakikilalang lalaki ang pumasok sa naturang sotre at nagdeklara ng hold-up. Pinilit ng mga suspek ang mga empleyado na buksan ang vault ng establisyemento at tumangay ng perang nagkakahalaga ng Php 68,195.00. Bukod dito, kinuha rin ng mga suspek ang dalawang bote ng Johnny Walker Black Label at dalawang bote ng Johnny Walker Red Label na may kabuuang halaga na Php 4,560.00.

Sa kanilang pag-alis, sinira ng mga suspek ang CCTV cable ng establisyemento upang maiwasang makilala.

Kinilala ang mga biktima na sina alyas Maryjoy; alyas James, 24 taong gulang; at alyas John , 27 taong gulang.

Ang mga suspek ay inilarawang dalawang lalaki na nakasuot ng helmet (puti), itim na jacket, itim na pantalon, at face mask.

Patuloy na iniimbestigahan ng San Juan MPS ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at mabigyan ng hustisya ang mga biktima. | BChannel NEWS

About Author