fbpx

Dating Vice President Leni Robredo, Todo Suporta kay Bam Aquino sa Eleksyon 2025

Aktibo na ngayong tumutulong si dating Bise Presidente Leni Robredo sa kampanya ni dating Senador Bam Aquino para sa nalalapit na eleksyon sa Mayo 2025.

Si Aquino, na dating campaign manager ni Robredo noong 2022 presidential elections, ay tinututukan ngayon ang kanyang pagbabalik sa Senado.

Nagkasama ang dalawa nang bumisita si Aquino sa Naga City, ang hometown ni Robredo, matapos ang kanyang speaking engagement sa Bicol University sa Albay.

Sa isang Facebook Live, nanawagan si Robredo sa kanyang mga taga-suporta na magbigay ng buong suporta kay Aquino pagdating ng opisyal na panahon ng kampanya sa Pebrero 11.

“Hindi pa puwede magkampanya ngayon. Pero sa February 11, start na. Start na ng kampanya. Talagang all-out tayo, sa mga dati po nating mga kasamahan during the campaign,” ani Robredo.

Bagama’t mas matanda si Robredo kay Aquino, inilarawan niya ito bilang isang “kuya” dahil sa maalaga at maaasahang suporta na ibinigay nito sa kanya noong nakaraang kampanya.

“Mas bata pa siya sa akin, pero kuya na ang tingin ko sa kanya kasi noong national elections, siya ang nag-asikaso. Alam ko kung gaano kabuting tao, alam ko kung gaano kagaling,” pahayag ni Robredo.

Dagdag pa niya, “Sabi ko sa kanya, gagawin ko ang lahat para matulungan siya sa eleksiyon,” na nagpapatunay sa kanyang dedikasyon na palakasin ang kampanya ni Aquino, lalo na sa rehiyon ng Bicol.

Sa pinakahuling senatorial surveys, pasok si Aquino sa Top 12, na nagpapakita ng malaking posibilidad na makabalik siya sa Senado.

Una siyang nanalo bilang senador noong 2013 at naglingkod hanggang 2019. Tumakbo siya muli noong 2019 sa ilalim ng Otso Diretso ngunit hindi pinalad.

Ngayon, buo ang suporta ni Robredo at ng kanyang network ng tagasuporta upang siguruhin ang tagumpay ni Aquino sa darating na eleksyon. | BChannel NEWS

About Author