Patay ang isang estudyante habang 2 na iba pa ang sugatan matapos ang banggaan ng dalawang motorsiklo sa G.R. Poblete Ave., malapit sa Silang CAVSU Campus, Brgy. Biga 1, Silang, Cavite, bandang 3:30 PM noong Enero 17, 2025.
Batay sa imbestigasyon, parehong papunta sa direksyong silangan-pakanluran ang dalawang motorsiklo. Sa tangkang pag-U-turn ng isang motorsiklo, nabangga ito sa kaliwang bahagi ng isa pang motor na Mio na paparating mula sa likuran. Dahil sa banggaan, tumilapon sa kalsada ang mga sakay ng parehong motorsiklo.
Ang driver ng Mio na si alyas Marc, 19-anyos, ay isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival. Ang angkas nito na si alyas John, 21-anyos, ay dinala rin sa parehong ospital para sa gamutan.
Samantala, ang driver ng isang motor na si alyas Janeane, 22-anyos, ay isinugod rin sa Hospital at kasalukuyang nagpapagaling.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot.