Isang negosyante ang binawian ng buhay matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sitio Torre, Brgy. San Isidro, Rosario, Batangas, nitong Lunes ng umaga, Pebrero 3, 2025.
Kinilala ang biktima na si alyas Cornelio, may-ari ng isang mini hardware sa naturang lugar.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Rosario Municipal Police Station (MPS), bandang 8:45 AM, dumating ang dalawang lalaking sakay ng isang itim na motorcycle. Ang back rider, na armado ng .45 caliber pistol, ay agad na pinaputukan ang biktima nang paulit-ulit.
Sinubukan pang tumakas ni Cornelio sa likurang bahagi ng kanyang hardware, ngunit hinabol siya ng mga suspek at muling pinaputukan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad siyang isinugod ng kanyang mga kaanak sa Hospital sa Brgy. Sico, San Juan, Batangas, ngunit idineklarang dead on arrival.
Inilarawan ang mga suspek bilang dalawang lalaking nakasuot ng itim na jacket, itim na helmet, itim na pantalon, at tsinelas.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin. | BChannel NEWS