Isang 16-anyos na binatilyo ang sinaksak ng kapwa estudyante sa Brgy. San Juan, Cainta, Rizal nitong Lunes, Marso 17.
Ayon sa imbestigasyon ng Cainta Municipal Police Station (MPS), bandang 5:30 PM, dumalo ang biktima, si alias “Jayce,” sa cheer dance practice ng kanyang kasintahan sa naturang lugar. Pagdating nila, pinagtulungan umano siyang bugbugin ng grupo ng suspek bago siya sinaksak sa bandang ibabang bahagi ng kanyang likod.
Isinugod naman ng ina ng biktima si Jayce sa Cainta Municipal Hospital para sa agarang medikal na atensyon. Matapos ang insidente, humingi sila ng tulong sa Cainta MPS, na sa pakikipagtulungan ng Taytay MPS at Brgy. Dolores, Taytay, Rizal, ay naglunsad ng follow-up operation na nagresulta sa pag-aresto sa suspek.
Kinilala ang suspek na si alyas RVHEE, isang 16-anyos na estudyante ng Benjamin V. Esguerra Memorial National High School at residente ng Brgy. Dolores, Taytay, Rizal. Matapos ang pag-aresto, isinailalim siya sa medical examination sa Cainta Municipal Hospital bago dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa insidente at ang pinagmulan ng insidente. | BChannel NEWS