Isang lalaki ang nasawi matapos mabangga ng isang sasakyan sa kalsada sa Governor’s Drive, Brgy. Manggahan, Gen. Trias City, Cavite nitong Linggo, Marso 23, 2025.
Batay sa imbestigasyon ng Gen. Trias Police Station, bandang 2:00 PM, minamaneho ng biktimang si alyas Batara ang kanyang motorsiklo at tinatawid ang kalsada mula Trece papunta sa Manggahan nang mabangga ng SUV na minamaneho ng suspek na kinilalang si alyas Aaron.
Dahil sa lakas ng salpukan, tumilapon ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo. Agad siyang isinugod sa Hospital, ngunit binawian ng buhay.
Isinuko naman ng mga tauhan ng Manggahan COMPAC sa Gen. Trias City Police Station (CCPS) ang suspek para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang pormal na reklamo laban sa kanya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente. | BChannel NEWS