Bahagyang lumobo ang kabuuang utang ng pamahalaan noong Enero 2025, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr), bunsod ng pagtaas ng domestic debt.
Sa datos ng BTr, umabot sa P213.14 bilyon ang total gross borrowings, mas mataas ng 4.92% mula sa P203.15 bilyon noong parehong buwan ng 2024. Sa halagang ito, P152.2 bilyon o 71.41% ang galing sa domestic debt, na tumaas ng 7.56% dahil sa fixed-rate Treasury bonds (P140 bilyon) at Treasury bills (P12.2 bilyon).
Samantala, bahagyang bumaba ng 1.14% ang external debt sa P60.94 bilyon, na binubuo ng program loans (P56.29 bilyon) at project loans (P4.65 bilyon).
Ayon kay Michael Ricafort ng Rizal Commercial Banking Corp., ang pangungutang ng gobyerno ay para punan ang budget deficit, kasabay ng pangunguna ng Pilipinas sa pagbebenta ng $3.29 bilyong global bonds upang harapin ang epekto ng pandaigdigang merkado.
Target ng pamahalaan na umutang ng P2.545 trilyon ngayong 2025, kung saan 80% ay mula sa lokal na bangko at 20% mula sa dayuhang pinagmulan. | BChannel NEWS