Isang 55-anyos na lalaki ang patay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang natutulog sa terrace ng kanilang bahay sa Sitio Mailiw, Brgy. Tayuman, Lobo, Batangas, nitong Marso 28, 2025, bandang 2:30 ng hapon.
Ayon sa ulat ng Lobo Municipal Police Station (MPS), isang concerned citizen ang tumawag upang iulat ang insidente. Agad namang rumesponde ang mga imbestigador upang beripikahin ang pangyayari.
Batay sa salaysay ng asawa ng biktima na si Evelyn Saraza, natutulog ang biktima na si Gabriel Asi, isang 55-anyos na fish vendor, nang biglang pagbabarilin ng suspek. Agad dinala ang biktima sa Lobo Municipal Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, agad tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek sa hindi matukoy na direksyon bitbit ang ginamit na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng salarin. | BChannel NEWS