Isinagawa ng Indang Municipal Police Station (MPS) ang pagpapatupad ng mga warrant of arrest laban sa ilang wanted persons sa iba’t ibang barangay ng Indang, Cavite noong Marso 30, 2025.
Sa isinagawang operasyon, natuklasang patay na ang pitong akusado na may kinakaharap na kaso tulad ng murder, frustrated homicide, attempted murder, at paglabag sa batas laban sa droga at pang-aabuso.
Batay sa kanilang death certificates at opisyal na rekord mula sa Office of the Civil Registrar General, matagal nang pumanaw ang ilan sa kanila.
Sa Brgy. Buna Cerca, bandang 8:00 PM, sinilbihan ng warrant si Rafael Rodis para sa kasong Frustrated Murder, ngunit natuklasang namatay na siya batay sa kanyang death certificate. Kasunod nito, bandang 8:35 PM sa Brgy. Bancod, ipinatupad din ang warrant laban kay Efren Sarmiento para sa kasong Murder, subalit lumabas na siya ay pumanaw na rin.
Sa parehong barangay, bandang 9:00 PM, sinilbihan ng warrant si Emiliano Creencia para sa kasong Murder, ngunit napatunayang patay na batay sa rekord ng Civil Registrar. Sumunod namang tinangka ang pagsilbi ng warrant laban sa isang nagngangalang “Romy” para sa Attempted Murder bandang 9:30 PM, subalit napatunayang pumanaw na rin siya.
Sa Brgy. Poblacion 3, bandang 10:00 PM, isinilbi ang warrant kay “Edong Boral” para sa Frustrated Homicide, ngunit natuklasan ding patay na siya. Samantala, sa Brgy. Kaytambog, bandang 10:30 PM, natuklasan ding namatay na si “Nestor” na may kinakaharap na kaso ng Rape by Sexual Assault at Acts of Lasciviousness sa ilalim ng RA 7610.
Huling isinilbi ang warrant bandang 11:30 PM sa Brgy. Buna Lejos 1 laban kay “Roderick” para sa kasong paglabag sa RA 9165, ngunit natuklasang pumanaw na rin siya batay sa kanyang death certificate.
Ayon sa Indang PNP, ang mga operasyon ay bahagi ng kanilang patuloy na kampanya laban sa kriminalidad, ngunit patuloy silang magbeberipika ng mga rekord upang maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap. | BChannel NEWS