Isang trahedya ang naganap sa Enriquez Street corner Trinidad Street, Barangay 2, Lucena City, Quezon bandang 2:15 AM ng Marso 30, 2025, matapos masagasaan ng kanyang dating kasintahan ang isang 18-anyos na babae, na kalaunan ay binawian ng buhay sa ospital.
Kinilala ng Lucena Police ang biktima na si Jannel. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagkita ang biktima at ang suspek na si John Will, 29-anyos, tattoo artist, sa isang bar sa lungsod tatlong araw matapos nilang maghiwalay. Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa, na nauwi sa labas ng bar.
Ayon sa saksi na si Paul Andrew Balmeo Avio, sinubukan niyang payapain ang dalawa. Gayunpaman, habang sumasakay sa kanyang pick-up truck si John, patuloy ang kanilang pagtatalo.
Humawak pa umano ang biktima sa sasakyan habang ito ay umaandar, ngunit nawalan siya ng balanse at bumagsak sa kalsada. Sa kasamaang palad, nagulungan siya ng kaliwang hulihang gulong ng sasakyan.
Agad dinala ang biktima sa Lucena MMG Hospital, ngunit binawian siya ng buhay habang ginagamot.
Ayon sa post ng kapatid nito, may mga pasa sa katawan sa likod at dibdib, gasgas sa binti at sugat sa ulo ang naturang biktima.
Samantala, agad na naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation at kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena City Police para sa kaukulang imbestigasyon at pagsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide. | BChannel NEWS