Isang pasahero ang nasawi matapos tumaob ang sinasakyang motorized banca dahil sa malakas na alon at ulan sa karagatan ng Mauban, Quezon noong Marso 29, 2025.
Ayon sa ulat ng Mauban Municipal Police Station (MPS), bandang alas-4:00 ng hapon, tinamaan ng malakas na hampas ng alon ang bangka habang naglalayag mula Brgy. Sto. Niño patungong Brgy. Sta. Lucia, dahilan upang ito ay tumaob.
Nakaligtas ang mag-live-in partner na sina Merwill (28) at Angelie (26), matapos nilang mailigtas ang kanilang kambal na anak, parehong 1 taon at 5 buwan gulang. Agad silang lumangoy papunta sa mababaw na bahagi ng dagat.
Samantala, si Jericho, 23-anyos, isang laborer mula Brgy. Silangang Palale, Tayabas City, ay tinangay ng malalakas na alon. Bandang hatinggabi ng Marso 30, natagpuan siyang lumulutang sa karagatan ng Brgy. Rosario ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Bantay Dagat na nagsagawa ng search and rescue operation.
Dinala ang mga biktima sa Quezon Provincial Hospital Network – Mauban para sa agarang lunas, ngunit idineklarang patay si Jericho bandang alas-4:15 ng umaga dahil sa pagkalunod.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente upang maiwasan ang ganitong trahedya sa hinaharap. | BChannel NEWS