Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cavite North District Office (NBI-CAVIDO North) ang isang lalaki matapos umanong gahasain ang kanyang 2 stepdaughter at sariling anak na 4 na taong gulang sa San Pablo City, Laguna.
Ayon sa ulat ng NBI, ang kaso ay nag-ugat mula sa reklamo ng isang NGO ukol sa tatlong batang babae na ginahasa at inabuso ng kanilang stepfather, na siya ring ama ng bunsong biktima.
Nagsimula umano ang pang-aabuso noong 2023 habang nasa ibang bansa ang kanilang ina. Pinagbantaan din ng suspek ang kanilang buhay gamit ang patalim upang sila’y manahimik.
Matapos makatakas, humingi ng tulong sa NBI ang dalawang nakatatandang biktima na nasa edad 14 at 19 upang mailigtas ang kanilang 4-taong-gulang na kapatid.
Sa imbestigasyon, gumagamit din ng ilegal na droga ang suspek.
Isinagawa ang rescue operation at naaresto ang suspek, na nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Anti-Rape Law (RA 8353), Special Protection of Children Against Abuse Law (RA 7610), at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA 10364). | BChannel NEWS