Sinaksak ng menor de edad ang isang binatilyo sa leeg gamit ang isang tactical folding knife matapos magkaroon ng pagtatalo na nauwi sa suntukan sa Purok 4, Zone 6, Brgy. Cupang, Antipolo City, Rizal bandang alas-6:30 ng gabi noong Abril 8.
Base sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), kinilala ang biktima na si Justin at ng suspek na si Jef, isang menor de edad.
Sa gitna ng away, sinaksak ng suspek ang biktima sa kaliwang bahagi ng leeg gamit ang isang kutsilyo bago tumakas mula sa pinangyarihan.
Isang concerned citizen ang nakasaksi sa insidente at kaagad na iniulat ito sa isang tanod na siyang agad nagsagawa ng hot pursuit operation. Matagumpay na naaresto ang suspek sa tulong ng impormasyon mula sa testigo.
Bandang ala-1:30 ng madaling araw ng Abril 9, 2025, isinuko sa Police Community Precinct 1 ng Antipolo CCPS ang suspek ng mismong tanod na umaresto sa kanya. Bago ito, isinailalim muna sa medikal na pagsusuri ang suspek sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City.
Sa ngayon, inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Frustrated homicide laban sa binatilyo. Nakatakda rin siyang i-turn over sa Bahay Kalinga sa ilalim ng City Social Welfare and Development Office ng Antipolo para sa wastong disposisyon. | BChannel NEWS