Isang lalaki ang patay sa isang insidente ng pamamaril na naganap sa Brgy. San Andres, Cainta, Rizal nitong Abril 10, bandang 9:15 ng gabi.
Ayon sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, isang tawag mula sa Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Brgy. San Andres ang natanggap nila bandang 10:15 PM upang ireport ang naturang insidente. Agad namang rumesponde ang mga duty investigators at nagtungo sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon.
Batay sa salaysay ng isang saksi na naka-duty bilang fire volunteer ng Red Legion Fire Rescue, nakarinig siya ng putok ng baril habang nasa lugar ng insidente. Nang kanya itong beripikahin, natagpuan niya ang katawan ng biktimang nakilalang si “Dodoy,” duguan at nakahandusay sa kalsada. Sinubukan pa umano ng saksi na isalba ang biktima, ngunit hindi na ito umabot ng buhay matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, na ayon sa ulat ay isang hindi pa nakikilalang lalaki na tumakas sakay ng isang hindi rin tukoy na motorsiklo. | BChannel NEWS