Isang lalaki ang nasawi matapos umanong masangkot sa gulo habang nasa inuman sa Purok 19, Sitio San Lorenzo Ruiz, Brgy. San Roque, Antipolo City Rizal noong Linggo, bandang 11:30 ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Rainer, 37 anyos, isang construction worker. Ayon sa paunang imbestigasyon ng Antipolo City Police, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek na si Ronel, habang sila ay nag-iinuman.
Sinuntok umano ng suspek ang biktima sa mukha, dahilan para bumagsak ito sa semento at tamaan ang ulo.
Iniwan ng suspek ang biktima na nakahandusay, at dinala naman ito ng kapatid sa isang tricycle para magpahinga, sa pag-aakalang nakainom lang ito. Bandang alas-10 ng umaga kinabukasan, Abril 14, ay tiningnan nito ang kanyang kapatid. Inakala niyang natutulog lamang ito dahil sa sobrang kalasingan.
Pero pagsapit ng alas-12 ng tanghali, nang muling tingnan ng bayaw ng biktima, napansin nitong hindi na humihinga si Rainier.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay. Kasalukuyang nagsasagawa ng manhunt operation ang Antipolo CCPS para madakip ang suspek na si Alias Ronel, na ngayon ay tumakas na matapos ang insidente. | BChannel NEWS