Nagpasya ang Korte Suprema na maaaring gibain ang mga ilegal na istruktura sa pampublikong lupa gaya ng videoke machine, sari-sari store, billiard table, at karinderya sa mga dalampasigan, dahil ito ay itinuturing na public nuisance o istorbo sa publiko.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, kinatigan ng Second Division ang naunang pasya ng Court of Appeals na nagpapatibay sa pagbaklas ng mga walang-permit na istruktura sa Matabungkay Beach, Lian, Batangas na itinayo nang walang pahintulot mula sa DENR.
Ito ay kaugnay ng kaso ng mga may-ari ng Villa Alexandra Beach Resort laban kina Pablo at Patnubay Isla Calimlim, na mahigit 50 taon nang nag-ooperate ng mga impormal na negosyo sa dalampasigan. Kinilala ng Korte Suprema ang pag-okupa ng mga Calimlim bilang ilegal, delikado sa kaligtasan, at nakasasagabal sa karapatan ng publiko.
Pinagbabayad din ang mga Calimlim ng danyos sa mga may-ari ng resort. | BChannel NEWS