Karumal-dumal na krimen ang gumulantang sa Barangay Cupang, Antipolo City kaninang umaga, April 22 matapos matagpuang patay ang pitong lalaki sa loob ng isang panaderya.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa loob ng J&B Malunggay Bakery bandang alas-6:00 ng umaga. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na pawang mga empleyado ng panederya ang mga nasawi.
Ayon sa pulisya, bigla umanong pumasok ang suspek na kinilalang si alyas “Bogart” at sunud-sunod na pinagsasaksak ang mga biktima habang natutulog. Inamin ng suspek sa imbestigasyon na pinagplanuhan umano siya ng mga biktima kaya niya ginawa ang krimen. Ginamit niya ang balisong at kutsilyo sa pananaksak, at sinadyang patayin ang ilaw sa loob ng panaderya upang hindi siya makilala at mahirapan makapanlaban ang mga biktima.
Dead on the spot ang lahat ng biktima dahil sa matitinding tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Hawak na ngayon ng Antipolo Police at Rizal Provincial Police Office ang suspek, habang patuloy ang masusing imbestigasyon upang alamin ang kabuuang motibo sa likod ng krimen. Patuloy ring kinikilala ang pagkakakilanlan ng mga biktima. | BChannel NEWS