Maraming netizens at mga kapulisan ang napa-saludo sa dalawang batang lalaki na nagpakita ng kabutihang loob sa Brgy. District III sa Lemery, matapos nilang isurrender ang isang cellphone na kanilang napulot sa tapat ng bangko na naturang lugar.
Ayon sa pulisya, agad na dinala ng mga bata ang cellphone sa istasyon ng pulisya kung saan tinawagan ng duty Traffic Operations Center (TOC) ang may-ari ng nasabing cellphone. Matagumpay naman itong naibalik sa tamang nagmamay-ari.
“Do good for others, it will come back in unexpected ways,” ayon sa Lemery MPS bilang pagpupugay sa kabutihang loob ng dalawang bata.
Dahil sa kanilang katapatan, may mga nagpaabot ng tulong sa kanila. Si Andrei ay bumili ng bigas at nagpagupit, habang si Erick naman ay bumili rin ng bigas at ulam. Sa kabila ng batang edad, ang dalawa ay hindi na raw nag-aaral—isa ay dating Grade 2 at ang isa nama’y Grade 4.
Nakilala ang isa sa kanila na si Erick, taga-Bagong Barrio, na maagang naulila sa ina at ngayo’y nangangalakal upang may maipambili ng pagkain.
Ilang netizens din ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa kabaitan ng mga bata. Ayon sa netizens, binigyan nila ng pagkain si Erick sa isang convenience store at lubos ang pasasalamat nito. Sa mga sumunod na araw ay muli umano silang nakita ng bata sa night market at hinabol sila para lang magsabing, “Ate, Kuya, salamat po uli. God bless po.”
Ang kwento ng dalawang batang ito ay patunay na sa kabila ng hirap sa buhay, nananatiling buhay ang kabutihan, lalo na sa murang edad. Marami na rin ang nananawagan na matulungan ang mga batang ito na makabalik sa pag-aaral. | BChannel NEWS | JMP